TristanCafe Pinoy Poetry Forum

Contribute your poetic masterpieces here. Anything and everything is welcome, including clumsy poems that you wrote during first-year high school. Also, feel free to post comments about the other poems that were submitted here.

TristanCafe Pinoy Poetry Forum
Start a New Topic 
Author
Comment
Huling Ulan Sa Tag- Araw

Huling Ulan sa Tag- Araw

Naranasan mo na ba ‘yung pakiramdam na para bang mayroon kulang sa buhay mo? Naranasan mo na ba ‘yung mga araw na natutulala ka, ‘yung tipong minsan e naluluha ka na lang kahit hindi mo maintindihan kung bakit? ‘Yung para bang hindi mo na kaya at gusto mo nang sumuko. Kung oo ang sagot mo, marahil pareho tayo.

‘Nung bata pa ako, sabi ng kaibigan ko, ang ulan daw ay ang luha ng mga tao. Kapag tag- araw, lahat ng luha ng tao ay naiipon sa ulap. At kapag masyado na itong mabigat, bumabagsak ito bilang ulan. Noong una, hindi ko siya maintindihan. Madalas ko siyang tinatanong tungkol doon. Madalas rin siyang makulitan at makipagtalo sa akin. Mas matanda siya sa akin ng 2 o 3 taon. Para ko na siyang kuya sa totoo lang. Pero kahit na napakatagal na ng panahon matapos niyang sabihin iyon, hindi ko pa rin maintindihan ang ibig niyang sabihin. Basta ang sabi niya sa akin, kapag umulan daw, sabayan ko ng pag- iyak kung nalulungkot ako. Sa edad na 9, hindi ko talaga na- gets ang gusto niyang sabihin. Minsan, mapapatingin na lang siya sa akin. Matatawa at sabay iiling. Sasabihin niyang, “Bata ka pa nga. Kapag lumaki ka na, maiiintindihan mo rin”. Nainis ako noon. Kaya sinabi ko, kapag lumaki ako, tatanungin ko ulit siya hanggang sa maintindihan ko kung bakit niya nasabing ang luha ng tao ay ang ulan.

Kaya lang, hindi ko na rin nagawa ang bagay na iyon. Umalis siya ng walang paalam. Magpapasko pa naman noon. Umalis siya ng wala man lamang sinasabihan. Nalungkot ako. Naiyak. Pero hindi pa noon umuulan. Ilang beses kong tinanong kung nasaan siya. Pero walang makapagsabi sa akin ng totoo. Walang makapagturo sa akin kung saan ko siya makikita.

Kapag gabi, naaalala ko siya. Lumuluha ako habang nakahiga- habang nakatitig sa dilim. Pero hindi pa rin umuulan. Nagsimulang gumulong ang mga ala- ala sa isip ko. Siya, ako, ‘yung tag- ulan na sinabi niya sa akin iyon at ‘yung samahan namin tuwing tag- araw. Masarap balikan. Masarap sariwain ‘yung mga bagay na sana ay hindi na lang natapos. Tapos, maiiyak na naman ako. Tatabunan ng unan ang mukha at saka pipiliting makatulog upang makalimutan siya. Pamaya- maya, narinig ko ang tigatig sa bubong. Umuulan. Umuulan sa labas habang patuloy rin ang pagbagsak ng luha ko. Alam kong naroon siya.

Matapos ang ilang taon, unti- unti kong naunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin. Kung bakit umuulan kahit na umaaraw at kung bakit kapag bumubuhos ito ay nagsisimulang lumungkot ang damdamin ng tao. Bakit nga ba? Hindi ko maipapaliwanag ng ganoon kasimple. Hindi ganoong kadaling isipin ang isang bagay na hindi mo naintindihan sa loob ng mahabang panahon. Siguro, kapag naramdaman mo na ang tulad ng sinabi ko, na para bang naiiyak ka kapag nakikita mong umuulan kahit hindi mo alam kung bakit, malalaman mo kung ano ang ibig kong sabihin.

Pitong taon na mula noon. Siguro, kung babalikan ko ang lahat ng nangyari, hindi ko na rin maikukwento ng detalyado. Ang iba ay hindi ko na masyadong maalala. Ang iba naman ay sinadya ko na talagang kalimutan. Pero ngayon, kahit na tag- araw at nakikita kong umuulan, napapangiti na lang ako. Dahil alam ko na minsan, isang tag- araw sa buhay ko, umulan ng napakatagal. At siya, ‘yung taong iyon, kahit hindi ko na siya nakikita, nandito pa rin siya. Hangga’t patuloy ang pag- ulan.

Re: Huling Ulan Sa Tag- Araw

Ang ganda naman ng sinulat mo, ang lakas ng tama sa puso. Post namin 'to tsaka yung tula mong "Kahapon" sa main page forum, ok lang?

Keep on posting, ang sarap basahin ng mga gawa mo. Salamat sa pag-share!

Re: Re: Huling Ulan Sa Tag- Araw

sori ngayon lang ako nakareply...
thanx anyway...
salamat talaga sa pagbasa ng mga gawa ko...
it would be a great honor for me kung ilalagay nyo sa main page yung mga gawa ko...
salamat talaga!!!
i'll post my other works...
salamat ulit...

-loyalista-